Wednesday, March 28, 2018

Jason Montana, SLN



Nitong nakaraang mga araw ko lang nabalitaang pumanaw na si Jason Montana, nom de guerre ni Fr. Francisco "Dave" Albano--makata, propesor, pari, at rebolusyonaryo sa Cordillera.

Una kong narinig ang pangalan n'ya mula kay Alex, at kay Tsong Gelas ko naman nalamang pari pala s'ya.

Hindi ko alam kung gaanong karami sa kasalukuyang henerasyon ng mga nagmamakata ang nakakakilala pa sa kanya. Hindi mo kasi makikita sa Google ang kahit na anung info tungkol sa kanya, at kahit sa mga mahihilig mag-post ng tula sa social media, bibihira ang nagpo-post ng mga tula n'ya. Sa Popular Bookstore ko lang din nakita ang kopya ng libro n'yang Clearing, na binibenta na sa halagang 50 pesos noon, pero wala rin halus bumibili.

Sa Ingles nakasulat ang mga tula ni Montana sa libro, pero may ilang nalimbag sa antolohiyang STR (MAINSTREAM: People’s Art, Literature and Education Resources Center, 1989) na may kalakip na salin sa Filipino, gaya ng tula sa baba, na salin ni Kris MontaƱez, nom de guerre ni Gelacio Guillermo (belated Maligayang Hapibertdey).

=====================

KAINGIN (CLEARING)
-Jason Montana

Bago tayo muling umalis,
Bago pumutok ang araw,
May isang sandaling nagbibigay-liwanag sa aking mga mata,
Nagsisimula bilang makapal na ulap

Na mabagal na umaangat sa buong paligid.
Isang iskwelahan sa tagaytay ng bundok
Ang unang nagising,
Wala pang mga bata.

Dumating tayo para muling mag-aral.
Ang simoy ay naghahatid ng kaunting ginaw
Sa aking dugo. Sa gawing ibaba nati’y
May palayang mahusay ang pagkakagawa,

Korteng lawa
Na nakabukas sa halina ng ulap
At hugis ng mga bundok sa umaga.
Umangat pa ang mga ulap,

At ang panginorin ay ang kahusayan
Ng mga magsasaka sa pagkakaingin
At mga abung na urnaangkin ng kapuri-puring
Mga pinitak, komunal na patubig

At mayabong na mga gubat na nakabaytang-baytang.
Paghakbang sa payaw, ang ating mga tungkuli’y
Lumilinaw. Ang tahimik na pagkilos
Ng mga gerilya’y dumudurog,

Minsa’y tulad ng isang pambihirang talampas,
Minsan nama’y tulad ng baku-bakong lambak.
Ang nakikita nati’y mga nayong nakapaligid
Ngunit hindi pa lubusang napagdurugtong-dugtong.

Ngayo’y may bagong kahulugan ang mga lumang landas.
Kailangang magbukas ng mga larangan
At magtayo ng mga lagusan ng tubig
Mula sa malalayong bukal tungo sa mga tapayan ng nayon;

Mula sa masang anakpawis
Tungo sa Partido at Hukbong Bayan;
Susing kawing na bumabagtas sa lubak-lubak
Na kalupaan ng dyaIektikang pumapaikid.

Ngayo’y kumikinang ang malawak na lugar na ito,
Baha-bahagi, habang ang mga sandali’y umuusad
At naghuhudyat ng paggising ng mga aso’t
Tandang. May usok

Na nagmumula sa may kulumpon ng mga puno
Ng bunga. Nasa isang burol
Pa nga lamang tayo, at tiyak ngang
Ang mas matatayog na katotohana’y naghuhumindig

Sa paligid natin, walang ituktok ang ilan.
Ang umaga’y isang matagalang pakikibaka.
Naririto ang mamamayan. Tayo’y naririto
At sa bundok na ito’y

Naidagdag na nga natin ang kahalagahan ng uring manggagawa.
Paanong hindi tayo magwawagi?
Ilang minuto pa’t
Ang kakabiyak na buwa’y sumuko sa araw!

(Salin ni Kris MontaƱez)

Thursday, December 8, 2016

Psoriasis



Habang bumibili ng plaster sa isang drug store kanina, kinausap ako ng isang mama. Tulad ko, meron din s'yang psoriasis. Mga 4 hanggang 5 taon na s'yang meron, samantalang ang akin, mga 20 taon na. Halus 3 porsyento raw ng populasyon sa mundo ang merong psoriasis, pero s'ya pa lang ang pangalawang taong nakakausap ko na meron din. Hindi man nakakahawa, autoimmune ito at wala pang natutuklasang perpektong gamot para rito. Tanggap ko nang buong buhay kong dala-dala ito, at sa isang banda hindi na rin ito malaking sagabal sa akin. Pero nakakagaan din ng loob na makakausap kahit sandali ng isang kapwa nakakaranas nito. Sana ganun din ang pakiramdam n'ya.

Ale



Nakita ko uli s'ya habang naghahapunan.

Yung matandang babae na nakakasalubong ko sa matataong lugar sa Pacita: Robinson's. 7-11. Shopwise. Jollibee. KFC. (Pinakamadalas sa Robinson's nung naroon pa ang crush n'yang sekyu.) Mga tatlong taon ko na siguro s'yang nakakasalubong sa mga lugar tulad nito. Kapag may nakatingin sa kanya, kinakausap n'ya. 'Di na bale kung kausapin man s'ya ng mga ito o hindi. Kakausapin n'ya sila. Kung wala mang nakatingin sa kanya, kakausapin n'ya ang sarili n'ya na para bang may ibang kausap. Minsan, kumakanta s'ya. At minsan, nagsesermon ala Dating Daan.

Kapansin-pansin dahil malakas ang boses at matalas ang pananalita. Hindi ko alam kung nauulyanin na s'ya o nawalan na ng bait. (Hindi rin naman kakaiba. Mahirap mapanatili ang bait sa mga panahong gaya nito.) Lagi s'yang nag-iisa, ngunit lagi ring masayahin, kundi man mataray, ang mukhang inihaharap n'ya sa mga taong nasa paligid n'ya.

Minsan, kumakaway s'ya at bumabati 'pag nakikita ako. Ngumingiti na lang ako at tumatango bilang pagbati. Madalas, umiiwas na lang ako 'pag nauuna ko s'yang makita.

Sa lahat ba naman kasi ng itatawag n'ya sa akin, bakit Freddie Aguilar pa?

Saturday, October 29, 2016

Review



Gumising ka talaga nang maaga para mag-review ng ilang lecture materials. Nagtimpla ka muna ng kape, tapos nagkaabutan kayo ni Mama sa Skype. Nagpi-Piano Tiles ka sa tablet habang magkausap kayo. Naubos ang kape, kaya nagtimpla ka uli.

Tapos nagutom ka. Tapos nagsaing ka. Tapos kumain ka ng lechong manok na malapit nang mangamoy patay na daga. Saglit mong naaninag ang anino ni Lord. Nagtimpla ka uli ng kape. Tapos, nag-OL sa Skype si Mylabs. Nag-conference call kayo kasama ni Mama. Panaka-naka, nagpi-Piano Tiles ka habang kausap sila.

Nang matapos ang tawag, naalala mong hindi ka pa pala naliligo. Amoy basang medyas kang naiwang nakasilid sa plastic nang dalawang araw. Nag-fb ka muna at parang tangang ni-type ang status na ito bago tumayo para maligo. (Siguro, epekto na rin ng panis na lechong manok.)

Hindi ka pa rin nakapapag-review ng ilang lecture materials para bukas.

'Yan tayo, e.

#PLDTCARES?



Isang araw, babangon ka at mapapansing hindi na naman gumagana ang DSL sa bahay mo. Pangatlong beses na ito sa loob ng tatlong linggo. Sinunod mo ang payo kahapon ng CSR (Customer Service Representative) ng PLDT, at rektang ikinonek ang modem sa laptop na ginagamit mo ngayon sa trabaho, pero wa-epek, napuputol pa rin. At mahigit 30 minutong kare-reset ng modem ang gagawin mo para makakonek uli. Tatawag kang muli sa PLDT (pangatlong beses sa loob ng tatlong linggo) at ipaliliwanag sa CSR (pangatlong CSR na makakausap mo sa loob ng tatlong linggo) ang problema ng iyong DSL connection. Matiyaga mong sasagutin ang mga tanong: "Oo, ni-reset ko na ang modem pero wala pa rin. Oo, rekta nang nakakabit sa computer ang modem. Oo, galing sa PLDT mismo ang modem na ito. Oo, wala naman akong nakitang maluwag sa mga nakakonek na wire sa modem." Halus automatic na ang iyong mga sagot, para ka na ring nagbabasa mula sa manual, gaya ng CSR na kausap mo.

Muli, gagawan ka raw ng report ng CSR at ipapasa raw niya ito sa mga technician, at muli, ite-test daw nila ang linya sa area mo. Halus kaparehong litanyang ibinigay sa iyo nung una kang tumawag at nag-report, mga dalawang linggo na ang nakaraan. Muli, maghihintay ka ng hanggang 72 oras para sa mga update.

Sa isip mo, ganito siguro ang pakiramdam ng ilang kaibigang paulit-ulit na umaasa sa pag-ibig at nabibigo.

Sino Raw Si Bob Dylan?



Una kong narinig ang mga kanta n'ya nang patugtugin ng kapatid na makata-dyornalistang longhair ang isang album ni Dylan sa stereo. High school ako noon at mas matabil ang dila kesa ngayon. Sigaw ko, "Tangina, sino 'yang boses-kambing-na-ginigilitan-ang-leeg na 'yan?"


Sabay ngisi ang kapatid. Yung ngising nakakaloko. Sabay labas ng songhits ('di pa uso ang Internet noon). "Eto, basahin mo lyrics ng kanta n'ya." Binasa ko, sabay bulalas ng, "Tangina, anung tinitira ng gagong 'to?"

Matapos ang ilang minuto ng pagbabasa ng mga lyrics: "Gusto ko 'tong Shooting Star. Hindi ko maintindihan, pero parang maganda. Parinig nga nito... Tsaka 'tong Shelter From the Storm, tsaka 'tong Tambourine Man..."

Aabutin ng mga sampung taon bago ko seryosong pag-aralan ang mga kanta ni Dylan bilang ekstensyon ng pag-aaral sa panitikan, at sining.

Sino si Bob Dylan? Kilala s'ya ng mga hinahangan kong manunulat. Gusto sa kanya ng iba. Ayaw sa kanya ng iba.

Kung hindi mo s'ya kilala, sana makilala mo s'ya. Sayang naman kung kikilalanin mo lang s'ya kung kelan nagka-Nobel Prize.

Monday, April 13, 2015

Demetria



[Iba rin 'to.]

"Your pen is a gavel, calling the world to order.

"...You write even when you are not writing. Fall asleep with your notebook, and ink leaks into the page. A day or decade later you recognize the glyph on the paper and, with a great 'Aha," you set out to translate it into a poem. (Years of stained fingers: the ink is working its way to your heart. You will die writing.)

"You write because you are so human. You fall in love the year that glaciers, for the first time in recorded history, melt and crack. You write a love poem.

"A long time ago you wrote: 'Because we have no word for light/We live in shadows.' Still, you persist in the hunt for that word. You search for more paper as the candle honoring the spirit of Paloma Escobar Ledezma burns furiously. You email friends in San Francisco, Vietnam, El Salvador, Africa, and Ireland. POets all, they promise to search for the word for light in their languages and histories.

"They put pen to paper and call the world to order."

-Demetria Martinez

Saturday, April 11, 2015

Manunulat?



Siguro magandang panahon na rin para ibulgar ko ito (bulgar talaga ang term haha), habang may kung anung kambing na umaaligid sa hangin. Hindi ko talaga pinangarap maging manunulat. Hanggang ngayon naman, alangan pa rin akong tawaging manunulat ang sarili. Pangarap ko sana dati: Maging piloto, maging physicist, maging pintor, maging chemist, maging astronaut, maging tatay-at-sixteen, maging computer programmer.

Pero napaligiran kasi ako ng mga manunulat, kundi man kwentista. Marunong magsulat si Mama, marunong magsulat si Papa. Manunulat ang kapatid. Mahihilig silang magbasa (liban kay Papa na mahilig lang uminom at manood ng porn--na gawain din naman ng maraming manunulat hahaha). Mula elementary hanggang high school, napaligiran ako ng mga mahihilig magkwento--oral nga lang. Karamihan sa kanila, mga anak ng Quezon, kaya siguro kahit paano parang ikalawang tahanan ko na rin ang bayang iyon (kahit Lucena lang talaga ang medyo alam ko).

At oo nga pala, nagsusulat na ako ng mga maikling kwento mula pa noong 6-year-old ako. Patago lang. Sumubok ng konting kalokohang tula bandang Grade Six, at nabuking ni Alex ang sikreto ko. Isang umaga, ipinuslit n'ya mula sa kwarto ang notebuk na sulatan ko noon ng mga borador, at ibinida kay Mama. Ayun, sumingaw ang bahong gusto ko sanang sarilinin.

Bago tumuntong ng college, nadiskubre namin ni Alex ang Internet. At napaligiran na naman ako ng mga manunulat. Kahit noong mga panahong sawa na ako sa pagsusulat (2004-2008) napapaligiran pa rin ako ng mga manunulat.

Manunulat? Ako? Siguro nga. Ano pa nga ba?

Kung hindi ako magsusulat, baka hindi na rin ako buhay.

Friday, January 3, 2014

Maligayang Bagong Taon sa Lahat



Oo, madalas akong huli sa pagbati tuwing pasko o bagong taon. Pero maligayang bagong taon pa rin. Maaring galit, may tampo, emo lang, o talagang malungkot ka tuwing bagong taon, pero sana maging maligaya pa rin. Parang ang labo. A, basta, ayon naman sa postmodernistikong pamantayan may iba't ibang uri ng katotohanan. Kung gayon, baka may iba't ibang uri rin ng kaligayahan. Maaring maging maligaya habang galit, may tampo, emo lang, o talagang malungkot. Maaring maging maligaya kahit hindi maligaya. Maaring hindi ka maligayang maligaya ka kahit maligaya kang hindi ka maligaya. (Ha! Pakshet kang postmodernismo ka hahahaha!)

Maraming salamat nga pala sa mga bumibisita sa blog(-blogan) na ito. Nagulat akong malamang naka mahigit 400 pageviews na rin pala ito 'pag login ko kanina sa Blogger. O, baka naman nag-iisang bisita lang na bumalik-balik nang 400 times? Sana hindi haha. . . Magkagayon man, salamat pa rin. 

Monday, July 1, 2013

Tulang Kalye, Bow.



Una kong naisip ang konsepto ng "tulang kalye" nung naghahanap ako ng maiiksing masusulat na tula tungkol sa mga nakikita ko sa pagitan ng mga lugar na nadaraanan ko mula sa mga tinitirahan patungo sa mga pupuntahan. Kasama kasi yun sa mga sinabi sa amin ni nung nagpapalihan kami sa PNL (Palihang Nasa Linya), na ang maisusulat madalas makikita sa mga lugar na yun. Gaya siguro ng mga Internet shop o palengke o banko o bayad center na pinupuntahan natin bago o pagkatapos pumasok sa paaralan o opisina (kung nag-aaral o nagtatrabaho). O maski sa mga kalsadang nilalakaran natin papunta sa kung saan mang miting o gimik o date.