Monday, July 1, 2013

Tulang Kalye, Bow.



Una kong naisip ang konsepto ng "tulang kalye" nung naghahanap ako ng maiiksing masusulat na tula tungkol sa mga nakikita ko sa pagitan ng mga lugar na nadaraanan ko mula sa mga tinitirahan patungo sa mga pupuntahan. Kasama kasi yun sa mga sinabi sa amin ni nung nagpapalihan kami sa PNL (Palihang Nasa Linya), na ang maisusulat madalas makikita sa mga lugar na yun. Gaya siguro ng mga Internet shop o palengke o banko o bayad center na pinupuntahan natin bago o pagkatapos pumasok sa paaralan o opisina (kung nag-aaral o nagtatrabaho). O maski sa mga kalsadang nilalakaran natin papunta sa kung saan mang miting o gimik o date.

Dahil 'di pa ako talaga marunong magsulat ng haiku o tanka o tanaga (medyo marunong na sa pagsulat ng diona--medyo pa lang), sinusubukan ko maski sa malayang taludturan muna. Yung terminong "tulang kalye" naimpluwensyahan ng pangalan nung matunog na matunog noong "street photography". Ang biro ko noon, para rin akong nagtatangkang mag-street photography. Wala nga lang akong dalang camera hahaha. . .

Wala pang ganung kahigpit na pamantayang nabubuo sa pagsusulat nitong mga kagaguhan, este, mga tulang kalye kong ito. Basta ang mahalaga, ang paksa tungkol sa isang pangyayari o kung anumang makikita mo sa kalye. At maiksi, pero hindi bitin. Hanggang sa maaari, hindi rin lalampas ng anim na taludtod.

Sa ngayon din, mas personal na ehersiyo ko ito sa pagsusulat ng tula. Iminungkahi ko na ito sa mga katropa sa Sining-TNT, pero dalawa pa lang ang kumakagat at medyo naiwan din nila ang konsepto at nagpokus sa kani-kanilang trip hehe.

No comments:

Post a Comment