Friday, January 3, 2014

Maligayang Bagong Taon sa Lahat



Oo, madalas akong huli sa pagbati tuwing pasko o bagong taon. Pero maligayang bagong taon pa rin. Maaring galit, may tampo, emo lang, o talagang malungkot ka tuwing bagong taon, pero sana maging maligaya pa rin. Parang ang labo. A, basta, ayon naman sa postmodernistikong pamantayan may iba't ibang uri ng katotohanan. Kung gayon, baka may iba't ibang uri rin ng kaligayahan. Maaring maging maligaya habang galit, may tampo, emo lang, o talagang malungkot. Maaring maging maligaya kahit hindi maligaya. Maaring hindi ka maligayang maligaya ka kahit maligaya kang hindi ka maligaya. (Ha! Pakshet kang postmodernismo ka hahahaha!)

Maraming salamat nga pala sa mga bumibisita sa blog(-blogan) na ito. Nagulat akong malamang naka mahigit 400 pageviews na rin pala ito 'pag login ko kanina sa Blogger. O, baka naman nag-iisang bisita lang na bumalik-balik nang 400 times? Sana hindi haha. . . Magkagayon man, salamat pa rin. 

Anu nga bang nangyari kasi sa lintek na Aris Remollino na 'yan? Madrama kasi, e. Madalas nagsasarili, kaya nawawala ang sarili--at kapag nawawala ang sarili, nagiging makasarili. Maigi nga't mukhang nakabalik na. Masyado nang mahaba ang pila ng lost-and-found ng mga nawala ang buong sarili, kaya natatagalan sa pagbabalik. Sana 'wag nang mawala ang buong sarili. Mga kalahati o pira-piraso ng sarili, ayus pa. Hindi naman ganung kahaba ang pila ng lost-and-found doon. (Eto kasing Aris Remollino, masyadong madrama. Masyado pang torpe. At masyadong tahimik sa personal. Sayang, pogi pa man din.)

Noong mga nakaraang araw, pinaglalaruan ko rin ang ideyang itago na muna ang nakaraang mga entry at magpanibagong-simula. Parang nakakahiya rin kasi. Pero, anu bang ikahihiya ko, e talaga namang tambakan ito ng basura este alanganing sanaysay. Tsaka bakit ba ako mahihiya, e walanghiya nga ako. Mali. Makapal ang mukha pala. Na mahiyain. O sabi nga ng dalawang kaibigan, "Mahiyaing Boldstar".

Pasensya na sa mga kabaliwan ko. Madalas akong ganito tuwing bagong taon. Baliw. Pero lagi naman din akong baliw. Mas baliw lang sa bagong taon. At sino nga ba ang tunay na baliw? Teka, kanta ata yun. . .

Muli, maraming salamat. At sana 'di kayo magsawa sa pagsilip sa mga kabaliwan ko.

No comments:

Post a Comment