Thursday, December 8, 2016

Psoriasis



Habang bumibili ng plaster sa isang drug store kanina, kinausap ako ng isang mama. Tulad ko, meron din s'yang psoriasis. Mga 4 hanggang 5 taon na s'yang meron, samantalang ang akin, mga 20 taon na. Halus 3 porsyento raw ng populasyon sa mundo ang merong psoriasis, pero s'ya pa lang ang pangalawang taong nakakausap ko na meron din. Hindi man nakakahawa, autoimmune ito at wala pang natutuklasang perpektong gamot para rito. Tanggap ko nang buong buhay kong dala-dala ito, at sa isang banda hindi na rin ito malaking sagabal sa akin. Pero nakakagaan din ng loob na makakausap kahit sandali ng isang kapwa nakakaranas nito. Sana ganun din ang pakiramdam n'ya.

Ale



Nakita ko uli s'ya habang naghahapunan.

Yung matandang babae na nakakasalubong ko sa matataong lugar sa Pacita: Robinson's. 7-11. Shopwise. Jollibee. KFC. (Pinakamadalas sa Robinson's nung naroon pa ang crush n'yang sekyu.) Mga tatlong taon ko na siguro s'yang nakakasalubong sa mga lugar tulad nito. Kapag may nakatingin sa kanya, kinakausap n'ya. 'Di na bale kung kausapin man s'ya ng mga ito o hindi. Kakausapin n'ya sila. Kung wala mang nakatingin sa kanya, kakausapin n'ya ang sarili n'ya na para bang may ibang kausap. Minsan, kumakanta s'ya. At minsan, nagsesermon ala Dating Daan.

Kapansin-pansin dahil malakas ang boses at matalas ang pananalita. Hindi ko alam kung nauulyanin na s'ya o nawalan na ng bait. (Hindi rin naman kakaiba. Mahirap mapanatili ang bait sa mga panahong gaya nito.) Lagi s'yang nag-iisa, ngunit lagi ring masayahin, kundi man mataray, ang mukhang inihaharap n'ya sa mga taong nasa paligid n'ya.

Minsan, kumakaway s'ya at bumabati 'pag nakikita ako. Ngumingiti na lang ako at tumatango bilang pagbati. Madalas, umiiwas na lang ako 'pag nauuna ko s'yang makita.

Sa lahat ba naman kasi ng itatawag n'ya sa akin, bakit Freddie Aguilar pa?