Ay paulit-ulit ngunit nagbabago. Wow mali. . .
Salamat sa pagbisita sa blog na 'to. 'Di ako gaanong marunong mag-blog pero palagay ko pwede ko namang gawing tambakan 'to ng basura este mga barubal na sanaysay ko. Kahit uso na ang mga peysbuk at tuwiter na 'yan, palagay ko may puwang pa rin ang mga blog sa dagat ng impormasyong kung tawagin nila'y Internet. Unang-una sa lahat, masakit sa matang magbasa ng sobrang habang post sa fb. Pangalawa, madalas maiksi ang attention-span ng mga nage-fb. Tingnan n'yo na lang ako.
Hayskul ako nang una akong magkahilig na magsulat ng sanaysay. 'Di nga lang araw-araw gaya ng namayapang kapatid na si Alex, pero sinisikap ko noong magsulat ng maski isa kada linggo. Hindi ko na alam kung saan ko naisuksok ang mga yun. Kung saan-saan ko lang kasi naisusulat noon at kung saan-saan ko lang din naitatabi.
Bagama't may school paper kami nung hayskul, sa sampol na nabasa ko parang puro tonong Hail Mary Mother of God lang at Mabuhay ang Ating Dakilang Direktor ng Ating Sintang Paaralan ang nababasa ko kaya hindi ako ginanahang mag-apply bilang writer sa nasabing paper. Ewan ko kung merong paper noong nag-aral ako sa AMA. Wala naman kasing ipinapakalat noon sa campus. Napaka-boring ng campus life ko. Sana, kung makakabalik ako sa pag-aaral, 'di na maging ganung ka-boring.
Sa Tinig.com unang beses na mapablis sa publiko ang mga akda ko. Mga 2002 ata yun. Mas sanay akong magsulat noon sa Ingles, pero nagsusulat din sa Filipino (gamit ang isang pseudonym) para balanse ang representasyon ko sa parehong wika bilang manunulat. Sa akin kasi, dahil itinuturing ding wika natin ang Ingles, bigyan na rin natin ito ng kapantay na halaga kagaya ng pagpapahalaga natin sa sariling wika. And vice-versa. Walang labis at walang kulang. Igalang natin ang lahat ng wika.
Mula rin 2002 (mga Disyembre ata), nagtatangka akong magmakata, at sa pagkakataon namang yun gumawa ako ng isang website sa Geocities (kalauna'y inilipat ko sa Tripod) na magsisilbing tambakan ng mga akala ko noo'y tula hahahaha. . . At sa pagkakataon namang iyon, una akong napablis sa Kilometer 64 Poetry Collective (na ngayo'y Kilometer 64 Writer's Collective na) o KM64.
Ang pagsusulat ay paglalakbay, at sanga-sanga ang mga daan. Minsan para kang namamasyal lang sa lamig ng Baguio o Tagaytay, pero madalas kelangan mong galugarin ang init at polusyon ng mga Cubao at Alabang. At kung maligaw man, huwag mabahala. Subukang lumiko pakaliwa hanggang sa matuklasan ang landas na iyong tatahakin.
Ang pagsusulat ay paglalakbay, at sanga-sanga ang mga daan. Minsan para kang namamasyal lang sa lamig ng Baguio o Tagaytay, pero madalas kelangan mong galugarin ang init at polusyon ng mga Cubao at Alabang. At kung maligaw man, huwag mabahala. Subukang lumiko pakaliwa hanggang sa matuklasan ang landas na iyong tatahakin.
Christmas party ng Kataga, 2012. Kuha ni Reuel Molina Aguila ang larawan. |
No comments:
Post a Comment