Nitong nakaraang mga araw ko lang nabalitaang pumanaw na si Jason Montana, nom de guerre ni Fr. Francisco "Dave" Albano--makata, propesor, pari, at rebolusyonaryo sa Cordillera.
Una kong narinig ang pangalan n'ya mula kay Alex, at kay Tsong Gelas ko naman nalamang pari pala s'ya.
Hindi ko alam kung gaanong karami sa kasalukuyang henerasyon ng mga nagmamakata ang nakakakilala pa sa kanya. Hindi mo kasi makikita sa Google ang kahit na anung info tungkol sa kanya, at kahit sa mga mahihilig mag-post ng tula sa social media, bibihira ang nagpo-post ng mga tula n'ya. Sa Popular Bookstore ko lang din nakita ang kopya ng libro n'yang Clearing, na binibenta na sa halagang 50 pesos noon, pero wala rin halus bumibili.
Sa Ingles nakasulat ang mga tula ni Montana sa libro, pero may ilang nalimbag sa antolohiyang STR (MAINSTREAM: People’s Art, Literature and Education Resources Center, 1989) na may kalakip na salin sa Filipino, gaya ng tula sa baba, na salin ni Kris MontaƱez, nom de guerre ni Gelacio Guillermo (belated Maligayang Hapibertdey).
=====================
KAINGIN (CLEARING)
-Jason Montana
Bago tayo muling umalis,
Bago pumutok ang araw,
May isang sandaling nagbibigay-liwanag sa aking mga mata,
Nagsisimula bilang makapal na ulap
Na mabagal na umaangat sa buong paligid.
Isang iskwelahan sa tagaytay ng bundok
Ang unang nagising,
Wala pang mga bata.
Dumating tayo para muling mag-aral.
Ang simoy ay naghahatid ng kaunting ginaw
Sa aking dugo. Sa gawing ibaba nati’y
May palayang mahusay ang pagkakagawa,
Korteng lawa
Na nakabukas sa halina ng ulap
At hugis ng mga bundok sa umaga.
Umangat pa ang mga ulap,
At ang panginorin ay ang kahusayan
Ng mga magsasaka sa pagkakaingin
At mga abung na urnaangkin ng kapuri-puring
Mga pinitak, komunal na patubig
At mayabong na mga gubat na nakabaytang-baytang.
Paghakbang sa payaw, ang ating mga tungkuli’y
Lumilinaw. Ang tahimik na pagkilos
Ng mga gerilya’y dumudurog,
Minsa’y tulad ng isang pambihirang talampas,
Minsan nama’y tulad ng baku-bakong lambak.
Ang nakikita nati’y mga nayong nakapaligid
Ngunit hindi pa lubusang napagdurugtong-dugtong.
Ngayo’y may bagong kahulugan ang mga lumang landas.
Kailangang magbukas ng mga larangan
At magtayo ng mga lagusan ng tubig
Mula sa malalayong bukal tungo sa mga tapayan ng nayon;
Mula sa masang anakpawis
Tungo sa Partido at Hukbong Bayan;
Susing kawing na bumabagtas sa lubak-lubak
Na kalupaan ng dyaIektikang pumapaikid.
Ngayo’y kumikinang ang malawak na lugar na ito,
Baha-bahagi, habang ang mga sandali’y umuusad
At naghuhudyat ng paggising ng mga aso’t
Tandang. May usok
Na nagmumula sa may kulumpon ng mga puno
Ng bunga. Nasa isang burol
Pa nga lamang tayo, at tiyak ngang
Ang mas matatayog na katotohana’y naghuhumindig
Sa paligid natin, walang ituktok ang ilan.
Ang umaga’y isang matagalang pakikibaka.
Naririto ang mamamayan. Tayo’y naririto
At sa bundok na ito’y
Naidagdag na nga natin ang kahalagahan ng uring manggagawa.
Paanong hindi tayo magwawagi?
Ilang minuto pa’t
Ang kakabiyak na buwa’y sumuko sa araw!
(Salin ni Kris MontaƱez)
No comments:
Post a Comment