Wednesday, May 1, 2013

Pagsusulat sa Panahon ng Palanca at Sari-sari Pang Kontes



Parang may tatlong kaugaliang nangingibabaw sa mga manunulat tuwing nalalapit na ang mga literary contest. Una, pinanghihinaan ng loob at lumalawak ang duda ng manunulat sa kanyang kakayahang makapagsulat ng akdang "katanggap-tanggap" sa nasabing kontes; pangalawa, magsusulat (o mas mainam sigurong sabihing "magdidisenyo") lang ang manunulat ng natatakdang pyesa na isasali para sa kontes; ikatlo, magpapapetiks-petiks ang manunulat at maghahabol ng isusulat na akda sa araw mismo ng deadline ng kontes.

Anyway, bago ang lahat, konting backgrounder muna. Until last year, hindi ako gaanong bilib sa mga literary contest. Pero dahil na rin sa pakikipagpalitang-kuro sa isang kapwa manunulat at kaibigan, nakumbinse rin naman n'ya ako na walang masamang sumali sa mga kontes. Dipende sa intensyon mo sa pagsali ng kontes. Sususugan ito ng isang "senyores" (read: "matanda" hahaha) na manunulat at kaibigan. Nasa attitude na raw natin yun bilang manunulat--yung, hindi lang naman talaga tayo magsusulat para lang sumali sa kontes. Na hindi tayo magsusulat lang para purihin tayo ng iba. . . Mga ganung tipo ng bagay.

Siguro, gaya ng marami (o halus lahat) ng bagay sa buhay, rule of moderation ang mas pairalin: Huwag masyadong siseryosohin ang mga kontes (as in 'wag dadamdamin haha), at huwag din masyadong babalewalain. Mas maigi siguro, yung magaan ang loob. Una sa lahat, hindi naman tayo magsusulat para sa mga hurado. Magsusulat pa rin tayo para sa mga mambabasa, at magkakataon lamang na kabilang ang mga hurado sa mga unang makakabasa ng anumang akdang isulat natin.

Wala rin naman tayong kelangang patunayan sa mga hurado, kung iisipin. Yung nakapagsulat lang tayo, may napatunayan na tayo sa sarili pa lang natin: Na may naisulat nga tayo. Kung magustuhan ng mga hurado, bonus points. Kung may cash price--aba, may pang-publish na pala tayo ng koleksyon hahahaha. . . (Tapos yung trophy o medal baka pwede palang isangla.)

Sa dulo naman ng lahat, ang tunay na sukatan ng husay ng isang manunulat e kung gaanong karaming mambabasa ang maaakit niya sa sinulat niyang akda at gaanong karami sa mga mambabasang yun ang may makabuluhang napulot sa isinulat niya.

Kaya, wala sigurong masama kung magpapanggap akong isa-submit ko pa rin sa Palanca itong isa pang sinusulat ko ngayon. Wala na kasing perang pang-notaryo at pang-mail ng entry (gaya nga ng nasabi ko sa status ko sa fb). At tsaka may next year pa naman. O, 'di ba? May isang buong taon pa ako para i-revise ang sinusulat ko hahahahaha. . .

No comments:

Post a Comment