Thursday, December 8, 2016

Psoriasis



Habang bumibili ng plaster sa isang drug store kanina, kinausap ako ng isang mama. Tulad ko, meron din s'yang psoriasis. Mga 4 hanggang 5 taon na s'yang meron, samantalang ang akin, mga 20 taon na. Halus 3 porsyento raw ng populasyon sa mundo ang merong psoriasis, pero s'ya pa lang ang pangalawang taong nakakausap ko na meron din. Hindi man nakakahawa, autoimmune ito at wala pang natutuklasang perpektong gamot para rito. Tanggap ko nang buong buhay kong dala-dala ito, at sa isang banda hindi na rin ito malaking sagabal sa akin. Pero nakakagaan din ng loob na makakausap kahit sandali ng isang kapwa nakakaranas nito. Sana ganun din ang pakiramdam n'ya.

Ale



Nakita ko uli s'ya habang naghahapunan.

Yung matandang babae na nakakasalubong ko sa matataong lugar sa Pacita: Robinson's. 7-11. Shopwise. Jollibee. KFC. (Pinakamadalas sa Robinson's nung naroon pa ang crush n'yang sekyu.) Mga tatlong taon ko na siguro s'yang nakakasalubong sa mga lugar tulad nito. Kapag may nakatingin sa kanya, kinakausap n'ya. 'Di na bale kung kausapin man s'ya ng mga ito o hindi. Kakausapin n'ya sila. Kung wala mang nakatingin sa kanya, kakausapin n'ya ang sarili n'ya na para bang may ibang kausap. Minsan, kumakanta s'ya. At minsan, nagsesermon ala Dating Daan.

Kapansin-pansin dahil malakas ang boses at matalas ang pananalita. Hindi ko alam kung nauulyanin na s'ya o nawalan na ng bait. (Hindi rin naman kakaiba. Mahirap mapanatili ang bait sa mga panahong gaya nito.) Lagi s'yang nag-iisa, ngunit lagi ring masayahin, kundi man mataray, ang mukhang inihaharap n'ya sa mga taong nasa paligid n'ya.

Minsan, kumakaway s'ya at bumabati 'pag nakikita ako. Ngumingiti na lang ako at tumatango bilang pagbati. Madalas, umiiwas na lang ako 'pag nauuna ko s'yang makita.

Sa lahat ba naman kasi ng itatawag n'ya sa akin, bakit Freddie Aguilar pa?

Saturday, October 29, 2016

Review



Gumising ka talaga nang maaga para mag-review ng ilang lecture materials. Nagtimpla ka muna ng kape, tapos nagkaabutan kayo ni Mama sa Skype. Nagpi-Piano Tiles ka sa tablet habang magkausap kayo. Naubos ang kape, kaya nagtimpla ka uli.

Tapos nagutom ka. Tapos nagsaing ka. Tapos kumain ka ng lechong manok na malapit nang mangamoy patay na daga. Saglit mong naaninag ang anino ni Lord. Nagtimpla ka uli ng kape. Tapos, nag-OL sa Skype si Mylabs. Nag-conference call kayo kasama ni Mama. Panaka-naka, nagpi-Piano Tiles ka habang kausap sila.

Nang matapos ang tawag, naalala mong hindi ka pa pala naliligo. Amoy basang medyas kang naiwang nakasilid sa plastic nang dalawang araw. Nag-fb ka muna at parang tangang ni-type ang status na ito bago tumayo para maligo. (Siguro, epekto na rin ng panis na lechong manok.)

Hindi ka pa rin nakapapag-review ng ilang lecture materials para bukas.

'Yan tayo, e.

#PLDTCARES?



Isang araw, babangon ka at mapapansing hindi na naman gumagana ang DSL sa bahay mo. Pangatlong beses na ito sa loob ng tatlong linggo. Sinunod mo ang payo kahapon ng CSR (Customer Service Representative) ng PLDT, at rektang ikinonek ang modem sa laptop na ginagamit mo ngayon sa trabaho, pero wa-epek, napuputol pa rin. At mahigit 30 minutong kare-reset ng modem ang gagawin mo para makakonek uli. Tatawag kang muli sa PLDT (pangatlong beses sa loob ng tatlong linggo) at ipaliliwanag sa CSR (pangatlong CSR na makakausap mo sa loob ng tatlong linggo) ang problema ng iyong DSL connection. Matiyaga mong sasagutin ang mga tanong: "Oo, ni-reset ko na ang modem pero wala pa rin. Oo, rekta nang nakakabit sa computer ang modem. Oo, galing sa PLDT mismo ang modem na ito. Oo, wala naman akong nakitang maluwag sa mga nakakonek na wire sa modem." Halus automatic na ang iyong mga sagot, para ka na ring nagbabasa mula sa manual, gaya ng CSR na kausap mo.

Muli, gagawan ka raw ng report ng CSR at ipapasa raw niya ito sa mga technician, at muli, ite-test daw nila ang linya sa area mo. Halus kaparehong litanyang ibinigay sa iyo nung una kang tumawag at nag-report, mga dalawang linggo na ang nakaraan. Muli, maghihintay ka ng hanggang 72 oras para sa mga update.

Sa isip mo, ganito siguro ang pakiramdam ng ilang kaibigang paulit-ulit na umaasa sa pag-ibig at nabibigo.

Sino Raw Si Bob Dylan?



Una kong narinig ang mga kanta n'ya nang patugtugin ng kapatid na makata-dyornalistang longhair ang isang album ni Dylan sa stereo. High school ako noon at mas matabil ang dila kesa ngayon. Sigaw ko, "Tangina, sino 'yang boses-kambing-na-ginigilitan-ang-leeg na 'yan?"


Sabay ngisi ang kapatid. Yung ngising nakakaloko. Sabay labas ng songhits ('di pa uso ang Internet noon). "Eto, basahin mo lyrics ng kanta n'ya." Binasa ko, sabay bulalas ng, "Tangina, anung tinitira ng gagong 'to?"

Matapos ang ilang minuto ng pagbabasa ng mga lyrics: "Gusto ko 'tong Shooting Star. Hindi ko maintindihan, pero parang maganda. Parinig nga nito... Tsaka 'tong Shelter From the Storm, tsaka 'tong Tambourine Man..."

Aabutin ng mga sampung taon bago ko seryosong pag-aralan ang mga kanta ni Dylan bilang ekstensyon ng pag-aaral sa panitikan, at sining.

Sino si Bob Dylan? Kilala s'ya ng mga hinahangan kong manunulat. Gusto sa kanya ng iba. Ayaw sa kanya ng iba.

Kung hindi mo s'ya kilala, sana makilala mo s'ya. Sayang naman kung kikilalanin mo lang s'ya kung kelan nagka-Nobel Prize.