Friday, April 5, 2013

Masayang Magsulat. May Lungkot Din, at Minsan. . .


Nakakabaliw. Lalu na kung hindi ka naman nagsusulat as self-therapy o "self-expression-kuno" lang at isinasaalang-alang mo ang mambabasa mo. Lagi mong aalalahanin kung kaya bang mag-isang tumindig ng akda mo nang wala nang karagdagang paliwanag na gagastos sa laway mo.

Sa ganung dahilan, nakikita ko ang kahalagahan ng mga palihan o workshop. Malaki ang naitutulong ng input ng mga kapwa manunulat sa akda ko. Mukhang yun naman talaga ang punto ng workshop, yung matukoy ang posibleng mga kahinaan ng gawa mo at hindi magtapikan ng balikat ng isa't isa. May nakilala rin kasi akong dumalo sa isang workshop na mukhang ang habol lang mabilib ang mga kasama n'ya sa kanyang sinulat. Hindi yun ang silbi ng workshop. Yun ang silbi ng kontes, hahahaha (joke lang). . .

Kaya palagay ko hindi magandang mindset o ugali kung dadalo tayo sa workshop at may expectations na may magagandahan sa ipinasa mo. Mas magandang mindset yung pagiging alerto kung anung mga magiging reaksyon ng mga ka-workshop mo. Hindi ko itatanggi na minsan nadadala ako nung naunang binanggit na mindset, e kamakailan sinubukan ko yung pangalawang binanggit ko. Mas masaya ang pakiramdam pagkatapos, parang yung tipong mararamdaman mo 'pag napansin ka ng crush mong may initials na--'wag na nga lang, hahaha. . .

Long story short, hirap akong magsulat habang may ongoing workshop. May ganun akong naramdaman habang nasa Palihang Nasa Linya, at may ganun din akong nararamdaman habang nasa Kataga. At dahil mukhang hindi naman nagkakaproblema ang iba, siguro mindset talaga ang problema ko. Hindi rin naman sa lagi kong naiisip na magagandahan ang mga kasama ko sa Kataga (na naituturing ko na ring mga tropa dahil masarap silang kasama dahil hindi mayayabang haha). Mas madalas pa nga iniisip ko mapapangitan pa sila o madi-disappoint, pero kung titingnan objectively wala naman talagang nangyayaring ganun.

So mukhang sagabal ang pagiging masyadong confident sa akda mo, o ang pagbabalewala sa akda mo habang pinapalihan. At sagabal din sa magiging rebisyon mo kung tatanggapin mo bilang valid ang lahat ng puna o komentong ilalapag ng mga kapalihan mo. Sakit sa ulo, 'no? Hahahahaha. Anyway, ang teknik ilista mo lahat ng puna o komento, at piliin kung alin sa mga yun ang gets mo. Saka ka mag-revise. Mas masaya 'pag ganun.

Tapos, maski may ongoing na workshop, MAGBASA. Hindi ko ibig sabihing magbasa ka habang nagpapalihan mismo, ha? Sobra naman yun. Anyway, ibig kong sabihin, research-research din, at i-note yung mga tutukuyin o iko-quote na mga libro o author ng mga tumataga este nagpapalihan sa 'yo.

Ang kulit ko. A, basta. Walang instant magic sa mga workshop. Magri-research ka pa rin, mag-aaral, at maghihirap ka pa ring magsulat. Mas nagiging masaya lang ang proseso.

No comments:

Post a Comment